
CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipapatupad ang mga itinakdang panuntunan ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF), Professional Regulation Commission (PRC) at pamahalaang lunsod sa mga kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) sa Linggo, September 26, 2021 sa Cauayan City National High School (CCNHS) at Cauayan City North Central School (CCSNCS).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Supt. ng Department of Education (DepEd) Cauayan City na mungkahi ng pamahalaang lunsod na ang lahat ng kukuha ng LET ay sumunod sa mga health protocol.
Pagpasok pa lang nila sa mga boundary checkpoint ay magpakita na sila ng mga kailangang requirements tulad ng negatibong resulta ng antigen o RTC PCR test o kaya ay 14 days quarantine certificate.
Gagamitin din ito na requirement sa pagpasok nila sa examination area.
Lahat ng 780 examinees ay magkakaroon ng antigen test dakong sais ng umaga bago ang pagsusulit na itinakda alas otso ng umaga
Ang mga negatibo ang resulta ay didiretso na sila sa room kung saan sila kukuha ng pagsusulit.
Kung may magpositibo sa antigen test ay may nakalaan na isolation room para sa kanila sa examination area.
Kung may sintomas ng COVID-19 ay irerefer sila sa kanilang Local Government Unit (LGU) at hindi na kukuha ng exam.
Ayon kay Dr. Gumaru, atas ng DOH na magdala ang mga examinees ng test kit na FDA approved na gagamitin nila mismo sa kanilang antigen test.
Kailangan aniya ang paghihigpit para ligtas ang mga examinees at hindi magkakaroon ng hawaan ng virus.











