CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Officer (PHO) na isa pang COVID-19 positive ang binawian ng buhay sa ospital.
Ang ikawalong nasawi sa Nueva Vizcaya ay si CV836, 54 anyos na lalaki mula sa Poblacion North, Solano, Nueva Vizcaya na nakaranas ng ubo at hirap sa paghinga.
Siya ay dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa bayan ng Bayombong at isinailalim sa swab test noong ika-31 ng Agosto at nakumpirmang positibo noong ika-2 ng Setyembre.
Ang pasyente ay binawian ng buhay kahapon sa nasabing pagamutan.
Samantala, inilatag ng pamahalaang lokal ng Solano ang ilang alituntunin kasunod ng pag-apruba ng Provincial Covid-19 Task Force sa petisyon ng Solano Inter-Agency Task Force na palawigin ang implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Kabilang sa mga panuntunang ito ang 24 hours na curfew at tanging ang mga nasa 21 anyos hanggang 59 anyos na miyembro ng isang pamilya ang pahihintulutang lumabas para bumili ng mga pangunahin nilang pangangailangan.
Istrikto ring ipagbabawal ang lahat ng pampublikong transportasyon gayunman ay pahihintulutan ang backride sa mga nakatira sa iisang bahay.
Pansamantala ring ipinagbabawal ang pag-inom at pagbebenta ng alak maging ang dine-in service sa mga restaurant para maiwasan ang pagtitipon ng mga tao.
Sa bisa ng Executive Order No. 33 Series of 2020 ay pinahihintulutan ang talipapa sa mga barangay.
Pansamantala ring ipinatigil ang operasyon ng mga non-essential establishments at ang pagtanggap sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs).
Hinakayat ni Mayor Eufemia Dacayo ang kanyang mga kababayan sa Solano na maging kalmado dahil ginagawa ng LGU ang lahat ng makakaya upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Pinayuhan din niya ang publiko na sumunod at makiisa sa mga ipinapalabas na panuntunan.
Kung makakaranas ng sintomas ng naturang sakit ay sumangguni sa kanilang Rural Health Unit (RHU) o sa mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).












