Umabot sa 8,828 pamilya o 24,546 katao ang naapektuhan ng bagyong Rosal sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2, sinabi nitong 992 pamilya ang mula sa lalawigan ng Cagayan, habang 7,906 pamilya naman ang mula sa Batanes.
Samantala, nasa 60 indibidwal ang stranded sa Batanes, habang 154 naman ang na-stranded sa Cagayan.
Ayon kay Alan, bago pa man dumating ang bagyo ay nag-preposition na ang ahensya ng family food packs sa mga local government unit na sakop ng kanilang tanggapan upang matiyak ang agarang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.
Dinoble rin aniya nila ang food packs na inilaan para sa Batanes dahil sa hirap ng pagdadala ng mga suplay sa isla tuwing masama ang lagay ng panahon.
Patuloy naman ang monitoring ng DSWD Region 2 sa mga apektadong lugar upang matukoy kung may iba pang nangangailangan ng karagdagang tulong mula sa ahensya.











