Itinaas na sa red alert status ang lalawigan ng Batanes dahil sa epekto ng Bagyong Rosal, bagamat rain showers pa lamang ang nararanasan sa lugar.
Ayon sa weather bureau, posibleng umabot sa Signal No. 3 ang babala ng bagyo sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul, PDRRM Officer ng Batanes, sinabi niyang nakararanas na ang lalawigan ng malalakas na bugso ng hangin at matataas na alon sa karagatan.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na manatili muna sa loob ng kanilang mga tahanan at iwasang lumabas, kabilang ang mga nagmomotorsiklo.
Samantala, bineberipika pa ng mga awtoridad ang kalagayan ng tatlong bangkang pangisda na umano’y naabutan ng malalaking alon upang matukoy kung ano ang eksaktong nangyari sa mga ito.
Sa ngayon, wala pang naitatalang evacuees o mga indibidwal na humihingi ng agarang tulong.
Patuloy ang monitoring ng PDRRMO at iba pang kinauukulang ahensiya, habang nakaantabay ang mga Disaster Risk Reduction and Management Council at mga awtoridad sakaling lumala pa ang lagay ng panahon.











