CAUAYAN CITY – Makakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integrated Program (ECLIP) ang siyam na miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa mga otoridad bilang resulta ng patuloy na Lingkod Bayanihan Program bilang pagtalima sa Executive Order #70 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sumuko ang mga rebelde sa Diffun Municipal Police Station kasama ang Regional Intelligence Unit 2, Quirino Provincial Intelligence Unit, Quirino Criminal Investigation and Detection Team at 1st Quirino Provincial Mobile Force Company sa tulong ng mga opisyal ng barangay Magsaysay, Diffun, Quirino.
Sa pamumuno ni Barangay Kapitan Adonis Magpali ay napadali ang pagsuko ng mga rebelde sa pangunguna ni Ronaldo Busania alyas Ka Marcial, 47 anyos, may-asawa at residente Magsaysay, Diffun, Quirino, miyembro ng CTG-NPA sa ilalim noon ni Venerando Villasismo Command na kumikilos sa Villa Ilanan at Villa Gracia, Maddela, Quirino at iba pang bahagi ng Aglipay, Quirino.
Isinuko rin niya ang isang caliber .38 revolver na may tatlong bala.
Kasama niyang sumuko sina Johnwe Ponceja, 41 anyos, magsasaka; Mario Gatchalian, 48 anyos, magsasaka; Alex Dansel, 30 anyos, magsasaka; Jimmy Ramel, 47 anyos, magsasaka; Joseph Magpali, 45 anyos, magsasaka; Danny Boy Ponceja, 35 anyos, magsasaka at Dino Gatchalian, 40 anyos, magsasaka, pawang residente ng Diffun, Quirino.
Ang iba pang sumuko ay sina Jesus Corpuz alyas Ka Apo, 56 anyos, magsasaka, residente ng Palacian, San Agustin, Isabela, miyembro ng NPA sa Barrio sa ilalim ng RSDG-CV.
Kasama niyang sumuko ang isang ARMSCOR shotgun na nabura ang serial number.
Inihayag ni PCol Rommel Rumbaua, Panlalawigang Director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) na naganap ang pagsuko ng mga rebelde dahil sa pagsasagawa ng pinaigting na police operations sa pamamagitan ng suporta ng Local Government Unit (LGU) na sawa na sa paghahasik ng karahasan ng mga rebelde.
Hinimok niya ang iba pang kasapi ng CPP-NPA-NDF na sumuko at mabigyan ng benepisyo sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan.












