CAUAYAN CITY- Inihahanda na ng pamilya ni Lovelyn Siringan ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa Bestlink College of the Philippines sa Lunsod ng Quezon.
Magugunita na si Siringan ay isa sa mga nasawi sa aksidente sakay ng Panda Coach Travel and Tours.
Isasauli rin ng pamilya ang P/5,000.00 na ibinigay ng paaralan sa pamilya.
Lalo namang lumakas ang loob ng pamilya na magsampa ng kaso matapos tumawag sa kanila si Atty. Percida Acosta, pinuno ng Public Attorney’s Office (PAO) upang tumulong sa pamilya ng mga nasawi sa aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marian Castriciones, kapatid ng biktima, sinabi niya na malaki ang pananagutan ng paaralan lalo na at dapat hindi na kasali si Lovelyn sa mga nagtungo sa educational tour dahil tapos na siya sa National Service Training Program (NSTP) ngunit sa takot na bumagsak at pahirapan sa kanilang thesis kaya sumama na lamang siya.