CAUAYAN CITY – Nararanasan ang brownout sa ilang bahagi ng Isabela dahil naapektuhan ng mainit na temperatura ang mga pasilidad sa mga sub-station ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Bumigay kahapon ang Gamu sub-station ng NGCP dahil sa high temperature sa loob at labas ng kanilang mga kagamitan na sanhi para mawalan ng daloy ng kuryente ng hanggang tatlong oras ang maraming lugar na sinusuplayan ng koryente ng Isabela Electric Cooperative (Iselco) 1 at 2.
Ngayong araw ay muling hiniling ng NGCP sa Iselco 2 na magsagawa sila ng manual load dropping upang maprotektahan ang kanilang mga kagamitan at hindi magiging malawakan ang brownout.
Ngayong araw ay muling isinagawa ang manual load dropping o pagbabawas ng kuryente.
Nawalan ng supply ng koryente ang Roxas sub-station hanggang kaninang alas doce ng tanghali at sumunod na nawalan ng daloy ng kuryente ang Naguillian sub-station simula kaninang alauna ng hapon ngayong alas kuwatro ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Engineer Joseph Palattao, chief ng engineering division ng technical services ng Iselco 2 na kailangan ang manual load dropping sa Naguillian sub-station upang hindi magiging malawakan ang epekto ng mainit na lagay ng panahon .




