--Ads--

Inaasahang dadagsa ang mga pamilya sa mga sementeryo sa Cauayan City, Isabela sa bisperas at mismong araw ng Undas upang dalawin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ben Domingo, isa sa mga nagbabantay sa isang sementeryo sa lungsod, sinabi nitong patuloy ang pagdami ng mga bumibisita at inaasahang mas lalawak pa ang bilang ng mga ito sa mga susunod na araw.

Kabilang sa mga maagang nagtutungo sa sementeryo ang mga pamilyang naglilinis ng puntod, nag-aalay ng bulaklak at kandila, at nagdarasal para sa kanilang mga yumaong kaanak.

Marami rin ang pinipiling maagang dumalaw upang maiwasan ang dagsa ng mga tao sa Nobyembre 1 at 2.

--Ads--

Samantala, pinaalalahanan ni Domingo ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak at pagsusugal sa loob ng mga sementeryo. Hinikayat din niya ang mga bisita na panatilihin ang kalinisan at itapon ang mga basura sa tamang lalagyan.

Pinayuhan din ang mga magulang at pamilya na bantayan ang mga kasamang bata upang maiwasan ang pagkawala o pagkakahiwalay sa gitna ng maraming tao.

Kasabay nito, inaasahang paiigtingin ang pagbabantay ng mga security personnel upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga sementeryo ngayong Undas.