Ibinunyag ni state witness at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na matagal nang umiiral ang sistema ng commitment fee, kickback, at mga proponent sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa bail hearing ng kasong plunder ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan Third Division nitong Huwebes, sinabi ni Bernardo na hindi lamang flood control projects ang may ganitong kalakaran.
Nilinaw niyang hindi masama ang pagiging proponent ng mga mambabatas hangga’t walang kickback. Gayunman, inamin niyang hindi kailanman humingi si Romualdez ng DPWH projects sa kaniya at wala silang napag-usapan tungkol dito. Hindi rin niya pinangalanan ang dating Speaker bilang proponent sa kaniyang mga affidavit.
Ayon kay Bernardo, maaaring umabot sa 30% ang commitment fee para sa mga proponent, batay sa narinig niya sa mga district engineer. Kabilang din umano sa mga proponent ang mga mambabatas, contractor, pribadong indibidwal na may impluwensya sa national budget, ilang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM), at mga local chief executive.
Inamin din ni Bernardo na nakatanggap siya ng porsyento mula sa mga proyekto. Kabilang sa kaniyang mga pahayag ang umano’y 3% mula sa P1.8-bilyong proyekto ni dating Senador Nancy Binay, 20% commitment fee para kay dating Senador Grace Poe, at 18% hanggang 25% naman para kay Senador Jinggoy Estrada. Itinanggi na ng mga nabanggit ang pagkakasangkot sa kickback scheme.
Dagdag pa ni Bernardo, nabahala siya nang sumiklab ang flood control controversy kaya nakipagtulungan siya sa pamahalaan upang ilantad ang umano’y katiwalian. Aniya, mula pa noong 2002, nang isa siyang district engineer, naghahanap na ang mga mambabatas ng mga proyektong popondohan ng DPWH. Sa pagkakaalam niya, hindi pa politiko noon si Romualdez.











