--Ads--

Muling ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Ilagan City ang Oplan Kaluluwa upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa paggunita ng Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Gerry Manguira, focal person ng Oplan Kaluluwa, sinabi niyang kasunod ito ng executive order na inilabas ng pamahalaang lungsod noong Oktubre 23. Ang nasabing programa ay unang binuo sa mga nakalipas na taon.

Ayon kay Manguira, nakalatag ang kanilang mga paghahanda bago, habang at pagkatapos ng Undas upang matiyak ang maayos na daloy ng mga aktibidad. Kabilang dito ang clean-up drive na isinagawa katuwang ang mga concerned agencies at civil society organizations (CSOs).

Nasa 12 lugar ang kanilang babantayan, kabilang ang mga pampubliko at pribadong sementeryo, ospital at mga pangunahing kalsada na inaasahang dadagsain ng mga tao.

--Ads--

Magpapatupad din ng mga pagbabago sa daloy ng trapiko, kabilang ang rerouting at one-way traffic scheme, upang maiwasan ang pagsisikip sa mga matataong lugar.

Simula bukas, Oktubre 30, ipagbabawal na ang pagdadala ng mga itak at iba pang matutulis na bagay, inuming nakalalasing, at mga maingay na kagamitan gaya ng speaker at karaoke sa loob ng mga sementeryo.

Nilinaw naman ni Manguira na kung kinakailangan ang paggamit ng itak o patalim sa paglilinis ng mga puntod, magtatalaga sila ng mga personnel na magbabantay habang isinasagawa ang paglilinis hanggang sa matapos ito upang maiwasan ang anumang insidente.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na panuntunan, panatilihing malinis ang mga sementeryo, at makipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas.

Hinihikayat naman niya ang mga motorista na sumunod sa mga traffic advisory at pansamantalang pagbabago sa daloy ng trapiko.