--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na ginagamot sa Cauayan District Hospital ang tatlong miyembro ng isang pamilya na nakaranas ng food poisoning.

Isinugod kaninang madaling araw ang amang si Gregie Dela Cruz 36 anyos at kanyang misis na si Ana Dela Cruz 32 anyos at ang 11 anyos nilang anak na si Regie, pawang residente ng barangay Rizal, Cauayan City matapos silang makaranas ng pananakit ng tiyan, pagduduwal at pagdudumi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Dela Cruz na wala silang ibang kinain kagabi kundi kanin at ang sinigang na karne ng baboy na niluto ng kanyang mister.

Kaninang hatinggabi nang unang makaramdam ng pananakit ng tiyan at pagdudumi ang kanilang panganay na anak matapos ang apat na oras ay nakaranas na rin silang mag-asawa ng pananakit ng tiyan, pagdudumi at pagduduwal.

--Ads--

Kinausap nila ang kanilang tita na tumawag sa Rescue 922 para dalhin sila sa ospital.

Sinabi ni Gng. Ana Dela Cruz na hindi pa nila matiyak kung ano ang sanhi ng pananakit ng kanilang tiyan.

Kaugnay nito ipinaalala ng mga doktor ng Cauayan District Hospital na tiyaking malinis ang pinagbibilhan ng karne at maayos ang paghahanda at lutuing mabuti ang pagkain.