--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakasamsam ng mga high powered firearms at granada makaraang silbihan ng search warrant ang tatlong lalaki sa mga barangay ng Callangigan at Estrada, Quezon, Isabela.

Ang operasyon ay isinagawa ng magkasanib na puwersa ng CIDG-RSU 2, Isabela RSU, Quezon Police Station at Kalinga Police Provincial Office sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Bernabe Mendoza ng RTC Branch 23 Roxas.

Ang inaresto ay si Joel Abenoja, 40 anyos, may-asawa, magsasaka residente ng Callangigan, Quezon, Isabela kasama sina Artemio Antonio at Bacuyag Cawad, kapwa residente ng Bulanao, Tabuk City naaresto sa Estrada, Quezon, Isabela.

Nasamsam ang isang granada makaraang madakip si Abenoja dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive law on firearms and ammunition)

--Ads--

Nasamsam din kina Cawad at Antonio ang isang m16 armalite rifle, 8 magazines na may lamang mga bala, isang m14 armalite rifle na may walong magazines na may lamang mga bala at 2 improvised shotgun.

Nasa pangangalaga na ng mga otoridad ang nasamsam na mga high powered firearms, bala at granada habang inihahanda na ang kaso laban sa 3 suspek.