--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa sa mga layunin ng pagdiriwang ng 2018 National Correctional Conciousness Week ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mapasaya ang mga Persons Deprived of Liberty ( PDL) sa Ilagan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jail Inspector Jose Bangug Jr., Jail Warden ng BJMP Ilagan City na ngayong linggo ay magsasagawa sila ng mga palaro tulad ng ball games, pageant at talent showdown para sa mga PDL.

Aniya sa pamamagitan nito, malayang makakapag-ikot ang mga bilanggo sa mga pasilidad ng BJMP hindi lang sa kanilang mga selda.

Sa ngayon ay mayroong 218 PDLs ang BJMP sa Ilagan City at umaasa siya na sa pamamagitan ng naturang aktibidad ay maibabalik ang kanilang sigla.

--Ads--

Layunin din nitong maipamulat sa mga mamamayan na ang mga PDL ay dapat pa ring igalang at kilalanin ang kanilang karapatang pantao.

Hinikayat pa ni Jail Inspector Bangug ang mga kamag-anak ng mga PDL na makibahagi sa pagdiriwang ng 2018 National Correctional Conciousness Week at tulungang maibalik ang sigla ng kanilang kapamilya.