CAUAYAN CITY – Nagluluksa ngayon ang mga kaanak ng nasawing pulis na nagsasanay maging kasapi ng Special Action Force (SAF) matapos umanong malunod sa pagsasanay o training sa Calatagan, Batangas.
Ang biktimang si Police Patrolman Manny Baldonado, 27 anyos ay dumating na ang kanyang labi sa kanilang tahanan sa Rizal, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Emelita Baldonado, ina ng nasawing pulis, sinabi niya na huli niyang nakausap ang kanyang anak noong araw ng Sabado at masaya silang nagkuwentuhan.
Isinalarawan ni Ginang Emelita Baldonado si Manny bilang isang napakabuting anak.
Aniya pumasok si Manny sa pagka-Pulis at nagpasyang maging kasapi Special Action Force upang makatulong sa kanilang pamilya sa kagustuhan niya na mapaganda ang kanilang buhay at nakatakda na sanang magtapos sa kanyang Commando Course ngayong darating na buwan ng Agosto.
Sinabi pa ni Gng. Baldonado na inihayag umano ng ka-buddy ng anak na nalunod si Manny matapos ang kanilang paglangoy makaraang magpaiwan sa lugar.
Sa ngayon anya ay nagdududa siya kung paano namatay sa pagkalunod ang kanyang anak.