--Ads--

CAUAYAN CITY – Alitan sa paradahan ng sasakyan ang dahilan ng sagutan ng isang sundalo at isang pulis na humantong sa kanilang suntukan at pamamaril sa Ilagan City.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng 9mm pistol si Army Corporal Richard Limon matapos na barilin ni PSSgt Glen Mark Geronimo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col. Rafael Pagalilauan, hepe ng City of Ilagan Police Station na unang nagparada si PSSgt. Geronimo sa side ng Mangahan Grill bago dumating si Corporal Limon sakay ng Crosswind.

Ang kanilang sagutan ay nauwi sa suntukan at pamamaril ni Geronimo kay Limon na inilipat sa Cagayan valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

--Ads--

Ayon kay PLt Col. Pagalilauan, ang pulis ay naka off duty habang ang sundalo ay sumasailalim sa training sa 5th Infantry Division Phil. Army sa Gamu, Isabela at dapat aniyang hindi lumalabas maliban kung binigyan ng pass para makalabas.

Tinig ni P/Lt. Col. Rafael Pagalilauan

Ayon kay Pagalilauan, nasa kustodiya ng City of Ilagan Police Station si PSSgt. Geronimo at kakasuhan ng frustrated homicide at aalamin nila kung nalabag niya ang Omnibus Election Code dahil umiiral pa rin ang Election gun ban.