CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang 11 ang nasugatan matapos bumaliktad ang isang trike sa national highway sa Poblacion 1, Sta. Maria, Isabela.
Ang namatay ay si Jayson Gumaru, isa sa mga pasahero, nasa tamang edad habang ang mga nasugatan ay sina Ferial Baccay Jr, 38, tsuper; Freddie Baccay 25; Alfredo Buraga; John John Buraga; Jestoni Buraga; Jenny Baccay, 11; Gemma Baccay, 9; John Mark Baccay; Orlando Buraga; Alfie Buraga pawang residente ng Aggub, Cabagan, Isabela at Jay Callueng, residente ng San Juan, Cabagan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas ng trike ang national highway patungong Tuguegarao City para sana magsagawa ng service ng sound system.
Nawalan umano ng kontrol ang tsuper sa handle bar ng trike kayat pumunta ito sa kabilang linya at bumaligtad.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay ng trike na agad dinala sa ospital para malapatan ng lunas ngunit dead on arrival si Jayson Gumaru na nadaganan ng bumaliktad na trike.
Nagpaalala ang Sta. Maria Police Station na laging mag-ingat at iwasang mag-overloading upang makaiwas sa aksidente.