Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makita ang aktuwal na resulta ng paggastos ng pamahalaan, sa halip na gawing pangunahing sukatan ng performance ng mga ahensiya ang mataas na budget utilization rate o porsiyento ng nagamit nilang pondo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na suriin hindi lamang ang halaga ng pondong nagamit, kundi pati ang mga proyektong natapos, mga target na naabot, at mga serbisyong naihatid sa publiko.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni DBM Secretary Kim Robert C. De Leon na hindi nangangahulugang mahusay ang performance ng isang ahensiya dahil lamang nagastos nito ang malaking bahagi ng budget. Halimbawa, maaari umanong magamit ng isang ahensiya ang 98 porsiyento ng pondo nito ngunit hindi pa rin makapaghatid ng sapat na pakinabang sa mga mamamayan.
Sa kaniyang pahayag sa ika-58 taunang kumperensya ng Financial Executives Institute of the Philippines noong Oktubre 9, sinabi ni De Leon na kailangang tingnan ang kalidad ng paggastos at kung mas marami at mas mahusay na serbisyo ang naibibigay ng mga ahensiya gamit ang kanilang pondo.
Samantala, bahagi rin ng pagpapalakas ng transparency at pananagutan sa paggastos ng pamahalaan ang DBM COMPASS Portal, na ginawang permanenteng mekanismo sa ilalim ng Executive Order No. 126. Sa pamamagitan nito, maaaring masubaybayan ng publiko ang impormasyon tungkol sa budget ng mga ahensiya, paglalabas at paggamit ng pondo, procurement, at implementasyon at pagkumpleto ng mga proyekto.
Layunin ng mga hakbang na matiyak na bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay nagagamit nang maayos at nagbubunga ng konkretong resulta at serbisyong tunay na napapakinabangan ng mga Pilipino.











