--Ads--

Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang imbestigasyon sa umano’y pagpupuslit ng broccoli, carrots at iba pang gulay matapos matukoy ang pagbebenta ng imported na broccoli sa Baguio City at La Trinidad, Benguet.

Ayon sa Department of Agriculture, posibleng maapektuhan ng mas murang imported na gulay ang bentahan ng lokal na ani at kabuhayan ng mga magsasaka sa Cordillera.

Sasailalim sa beripikasyon ang pinagmulan at distribusyon ng mga gulay, kabilang ang mga dokumento sa importasyon at pagsunod sa quarantine regulations. Tiniyak ni Tiu Laurel na papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.