CAUAYAN CITY – Masayang tinanggap ni 2Lt Charles Wency Gallo ng PMA Masidlawin Class 2020 ang parangal na iginawad sa kanya ng pamahalaang lunsod ng Ilagan.
Si 2nd Lt. Gallo na residente ng Baligatan, City of Ilagan ay anak ng isang retiradong sundalo.
Pinangunahan ni Mayor Jose Marie Diaz at mga miyembro ng Sangguniang Panlunsod ang pagbibigay ng resolusyon ng papuri at pagkilala sa husay at determinasyon ni 2Lt Gallo na nagtapos sa PMA Masidlawin Class 2020.
Personal na tinanggap ni 2Lt Gallo ang parangal sa kanya at nagpasalamat sa pagturing sa kanya bilang pride ng City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 2Lt Charles Wency Gallo, sinabi niya na tulad ng ibang nagtapos sa PMA ay naging sandata niya ang pagsisikap, determinasyon at katatagan para matapos ang apat na taon na mahigpit na training sa akademya.

Ang mensahe ni 2Lt Gallo sa mga kabataan na gustong pumasok sa PMA ay pagbutihin ang kanilang pag-aaral at pangalagaan ang kanilang kalusugan.
Mahalaga aniya na pangalagaan ang kalusugan sa pagpasok sa PMA upang maging malakas at malusog sa pagharap sa bawat hamon sa loob ng akademiya.






