--Ads--

Hindi pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na paalisin ito sa bansa dahil sa mga pahayag na itinuring na banta sa Pilipinas.

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro nitong Lunes, Oktubre 19, mas nais ng Pangulo na maresolba ang usaping diplomatiko sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap sa halip na agresibong hakbang na maaaring makaapekto sa ugnayan ng dalawang bansa.

Sinabi ni Castro na iginagalang ng Pangulo ang opinyon ng mga senador at iba pang mambabatas, ngunit kailangan ding isaalang-alang ang posibleng epekto ng anumang desisyon sa bansa at sa mamamayang Pilipino.

Sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, maaaring ideklarang persona non grata ang isang dayuhang diplomat, na nangangahulugang hindi na siya katanggap-tanggap sa bansang kanyang pinaglilingkuran. Maaari itong humantong sa pagpapabalik sa diplomat sa kanyang sariling bansa at posibleng pagganti ng kabilang panig.

--Ads--

Samantala, sinabi ng Malacañang na wala pang indikasyong magbabago ang nakatakdang pagbisita ni Marcos sa China at ang kanyang mga pakikipagpulong sa mga opisyal nito sa kabila ng umiinit na usaping diplomatiko.

Ayon kay Castro, nananatiling umaasa ang pamahalaan na mapabubuti pa ang ugnayan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng patuloy na pag-uusap. Gayunman, hindi pa niya makumpirma kung makikipagpulong ang Pangulo kay Chinese President Xi Jinping sa naturang pagbisita.