CAUAYAN CITY – Isang kasapi ng Echague Police Station ang inaresto sa isinagawang Entrapment Operation na pinangunahan ng mga miyembro ng Regional Integrity Monitoring and Enforcement Team (RIMET) dahil sa umanoy pangingikil sa isang ginang sa barangay Mabini, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyong ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Police Regional Office 2 (PRO2), ang suspek na si Police Master Sgt. Arthur Salvador, 47 anyos, may-asawa at residente ng San Antonio, Alicia, Isabela.
Ang pinagsanib na puwersa ng RIMET ng PRO2, sa pangunguna ni PCpt Carmelo Palos, Presinto Uno ng Santiago City Police Office (SCPO), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Echague Police Station ay nagsagawa ng entrapment operation laban kay Salvador dahil sa reklamo ni Ginang Nimfa Remigio.
Ayon sa biktima, humihingi umano ang pulis ng 1.2 million pesos kapalit ng pag-aayos nito sa mga nakabinbing kasong estafa.
Nang mahuli ay nakuha kay Salvador ang 1.2 million entrapment money o perang ginamit sa transaksyon na kinabibilangan ng 4 na piraso ng tunay na isang P1,000 bills at ilang bungkos ng boodle money.
Ayon Kay P/Major Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station, dahil sa mga kasong estafa ni Remigio ay tinulungan ni PSM Salvador kapalit ang nabanggit na halaga.
Sa loob aniya ng 8 na buwan na pagiging hepe niya ng Echague Police Station ay mahusay naman si Salvador sa pagtupad sa kanyang tungkulin kaya naitalagang senior investigator.
Samantala, mariing itinanggi ni PMS Arthur Salvador ang paratang laban sa kanya.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Salvador ay iginiit niya na na-frame up lamang siya.
Aniya, minsan na niyang natulungan si Remigio sa paghahain niya ng Motion to Reinstate Bailbond para sa isa niyang kaso na naging dahilan para makipag-ugnayan sa kaniya.
Dagdag pa niya na nagmakaawang nakipag-usap sa kaniya ang tatay ni Remigio upang maayos ang kanyang kasong estafa para umano makapagbagong buhay.
Iginiit ni PMS Salvador na naawa lamang siya kay Remigio kaya sinang-ayunan niya ang pakiusap ng kanyang tatay.
Napag-usapan nilang siya ang magiging daan para makipag-areglo sa mga nagsampa ng kaso laban kay Remigio.
Inihayag naman ng PRO2 na ang operasyon laban kay salvador ay bahagi ng internal cleansing ng PNP.
Nagpahayag ng pagkadismaya si PBGen. Crizaldo Nieves, regional director ng PRO2 sa nasabing pangyayari na kinasangkutan ni PMS Salvador.
Iginiit ni PBGen Nieves na hindi niya kukunsintihin ang mga iligal na gawain ng mga pulis kundi siya pa ang magdidiin sa pulis na paulit-ulit na gumagawa ng iligal na aktibidad.





