--Ads--

Inaasahang mananatiling matatag ang presyo ng mga produktong karaniwang binibili ngayong Undas, gaya ng kandila at bottled water, ayon sa Department of Trade and Industry o DTI.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, wala pa silang natatanggap na kahilingan mula sa mga manufacturer na magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Tiniyak din niyang sapat ang suplay ng mga produkto sa kabila ng inaasahang epekto ng El Niño.

Patuloy namang magsasagawa ng inspeksyon ang DTI sa mga pabrika upang masubaybayan ang imbentaryo at presyo ng mga produkto.

Samantala, humihingi naman ang Department of Agriculture ng halos ₱62 bilyong pondo para sa mga hakbang na magpapagaan sa epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain, kabilang ang tulong sa mga magsasaka at pagpapaunlad ng imprastraktura.

--Ads--