--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinihintay pa ng Bureau of Immigration Isabela Field Office ang magiging resolution ng korte sa 19 Chinese Nationals na nahuli sa lunsod ng Ilagan bago nila patawan ng administrative sanction na deportation.

Magugunitang hinuli ang mga naturang Chinese Nationals noong nakaraang Huwebes sa mismong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa lunsod ng Ilagan dahil sa pamemeke ng RT-PCR test result.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Larry Tumaliuan, Alien Control Officer ng Bureau of Immigration Isabela Field Office na deportation lamang ang puwede nilang ipataw sa mga naturang chinese nationals pero hihintayin pa nila ang desisyon ng korte dahil mas mataas pa rin ang mga ito sa kanila.

Sa ngayon aniya ay kumpleto naman ang dokumento ng mga ito kung saan ang tatlo ay tourist visa ang hawak habang ang iba ay working visa.

--Ads--

Ayon sa kanya, ang iba sa kanila ay mahigit isang taon na sa Pilipinas at mayroon ding mag-iisang taon pa lamang.

Ayon kay Tumaliuan, ang tourist visa ay nagtatagal lamang ng dalawang taon at hindi na puwedeng irenew kaya dapat ay wala na sila sa bansa kapag nagpaso na ito.

Sa ngayon ang nakikita nilang dahilan kaya gustong kumuha ng mga naturang Chinese Nationals ng lisensya ay para makakuha sila ng sarili nilang sasakyan at sila na mismo ang magmamaneho kapag papasok sila sa kanilang trabaho.

Hindi naman aniya sa Region 2 nagtatrabaho ang mga ito kundi lahat sila ay sa kalakhang Maynila.

Aminado naman si Tumaliuan na hindi nila namomonitor ang lahat ng mga dayuhang pumapasok sa Isabela at nalalaman na lamang nila kapag may nagreport sa kanilang tanggapan.

Dahil dito, nananawagan siya sa publiko na kapag may nakikita silang bagong dayuhan sa kanilang lugar ay ipagbigay alam lamang sa kanilang tanggapan para mapuntahan nila at malaman ang pakay ng mga ito sa kanilang lugar.

Tinig ni Larry Tumaliuan, Alien Control Officer ng Bureau of Immigration Isabela Field Office.