
CAUAYAN CITY – Nadakip sa magkahiwalay na operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Santiago City Police Office (SCPO) City Drug Enforcement Unit/City Intelligence Unit, SCPO Station 1, SCPO Station 2 at PDEA Region 2 ang dalawang lalaki dahil sa pagtutulak ng iligal na droga.
Unang nahuli sa Villa Gonzaga, Santiago City si Reynaldo Erang, 45-anyos, may asawa, car painter at residente ng Purok 5, Tarangao, Diffun, Quirino.
Bitbit ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakipagtransaksyon ang suspek sa isang pulis na umaktong buyer katumbas ng P3,500.

Hindi naman itinanggi ng pinaghihinalaan ang pagkakasangkot sa naturang gawain at nagawa lamang umano niya ang pagtutulak ng iligal na droga dahil sa pagkasilaw sa pera.
Inamin din niya ang paggamit ng iligal na droga at naging isang tokhang respondent sa Diffun, Quirino.
Nadakip naman sa Patul, Santiago City ang isang magsasaka na si Alfie Dela Cruz, 36-anyos, may asawa at residente ng Gud, San Isidro, Isabela.
Katumbas ng P3,000 ay nakipagtransaksyon ang suspek sa isang pulis na nagsilbing buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang iligal na droga.
Nakuha sa pinaghihinalaan ang buybust money at limang bala ng caliber 45 na baril.

Mariin namang itinanggi ng suspek na sa kanya ang mga bala na nakuha sa operasyon subalit inamin niya ang pagkakasangkot sa pagtutulak ng iligal na droga.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang dalawa at karagdagang paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ni Dela Cruz.
Kapwa kabilang sa Street Level Individual List ang mga suspek at batay sa record ng PNP dati nang nadakip si Dela Cruz dahil sa illegal na droga at nakalaya lamang dahil sa plea bargaining.









