--Ads--

CAUAYAN CITY – Makakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng  Enhanced Comprehensive Local Integrated Program (ECLIP) ang siyam na miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa mga otoridad bilang resulta ng patuloy na Lingkod Bayanihan Program bilang pagtalima sa  Executive Order #70 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sumuko ang mga rebelde sa Diffun Municipal Police Station kasama ang Regional Intelligence Unit 2, Quirino Provincial Intelligence Unit, Quirino Criminal Investigation and Detection Team at 1st Quirino Provincial Mobile Force Company sa tulong ng mga opisyal ng barangay  Magsaysay, Diffun, Quirino.

Sa pamumuno ni Barangay Kapitan  Adonis Magpali ay napadali ang pagsuko ng mga rebelde sa pangunguna ni  Ronaldo Busania alyas  Ka Marcial, 47 anyos, may-asawa at residente Magsaysay, Diffun, Quirino, miyembro ng  CTG-NPA sa ilalim noon ni Venerando Villasismo Command na kumikilos sa  Villa Ilanan at Villa Gracia, Maddela, Quirino at iba pang bahagi ng  Aglipay, Quirino.

Isinuko rin niya ang isang  caliber .38 revolver na may tatlong bala.

--Ads--

Kasama niyang sumuko sina  Johnwe Ponceja, 41 anyos, magsasaka; Mario Gatchalian, 48 anyos, magsasaka;  Alex Dansel, 30 anyos, magsasaka; Jimmy Ramel, 47 anyos, magsasaka; Joseph Magpali, 45 anyos, magsasaka; Danny Boy Ponceja, 35 anyos, magsasaka  at  Dino Gatchalian, 40 anyos, magsasaka, pawang residente ng Diffun, Quirino.

Ang iba pang sumuko ay sina Jesus Corpuz alyas Ka Apo, 56 anyos, magsasaka, residente  ng Palacian, San Agustin, Isabela, miyembro ng NPA sa Barrio sa ilalim ng RSDG-CV.

Kasama niyang sumuko ang isang ARMSCOR shotgun na nabura ang  serial number.

Inihayag ni  PCol Rommel Rumbaua, Panlalawigang Director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) na naganap ang pagsuko ng mga rebelde dahil sa pagsasagawa ng pinaigting na  police operations sa pamamagitan ng suporta ng  Local Government Unit (LGU) na sawa na sa paghahasik ng karahasan ng mga rebelde.

Hinimok niya ang iba pang kasapi ng CPP-NPA-NDF na sumuko at mabigyan ng benepisyo sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan.