CAUAYAN CITY – Nakahanda ang Tactical Operations Group o TOG 2 na magbigay ng aircraft upang magsagawa ng aerial assessment sa mga mga lugar na nasalanta ng Bagyong Kiko at pagtransport ng mga relief Goods sa Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Sadiri Tabutol, Group Commander ng Tactical Operations Group 2 sa isinagawang response cluster meeting ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction Management Council na pinangunahan nina Director Harold Cabreros ng OCD Region 2 at ang Regional Director ng DSWD Region 2 ay hiningi ang tulong ng air asset ng TOG 2.
Sa nabanggit na pagpupulong ay napagkasunduang magbibigay ng air assets ang TOG 2 para sa Rapid Damage Assessment and Needs analysis o R-DANA Flight.
Kinakailangan anyang dalhin ang RDANA Team sa lugar kung saan sinalanta ng bagyo upang magsagawa ng aerial view.
Bukod anya sa RDANA flight at humiling din ang OCD region 2 ng pagtransport ng limang libong family food packs na galing sa punong tanggapan ng DSWD at dadalhin sa Basco, Batanes.
Bago sila mag-transport ng mga relief packs ay kailangan munang malinis ang mga debris at mga kalat sa paliparan sa Basco, Batanes.
Sa ngayon ay bagsak pa rin ang linya ng telekomunikasyon sa Batanes at wala rin silang tustos ng kuryente matapos salantain ng bagyong kiko ang nasabing lalawigan.
Pangunahin din nilang dadalhin ay ang generator sets at inuming tubig.
Ayon pa kay Lt. Col. Tabutol, tanging ang Police Regional Office 2 ang may contact ngayon sa Batanes Police Provincial Office dahil gumagamit sila ng Internal Communication System o High Frequency Communication.











