--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa halos walumpong libong benepisaryo sa rehiyon ang nabigyan ng tulong mula sa TUPAD Program ng DOLE Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad ang Information Officer ng DOLE Region 2 sinabi niya na mula kahapon ay umabot na sa 79,744 na benepisaryo sa ibat ibang probinsya sa rehiyon ang nabigyan ng assistance mula sa TUPAD na nagkakahalaga ng mahigit P443 milyon.

Ayon kay Information Officer Trinidad maaari pa itong madagdagan dahil may mahigit tatlong buwan pa silang gugugulin sa pamamahagi ng tulong sa mga benepisaryo.

Noong nakaraang linggo ay isinagawa ang payout sa mga TUPAD Beneficiaries sa lalawigan ng Cagayan at ngayong linggo ay dito naman sa lalawigan ng Isabela sila mamamahagi ng tulong.

--Ads--

May projection ang DOLE Region 2 na aabot sa isandaang libo ang mabibigyan ng cash assistance hanggang matapos ang taon at kung makakamit nila ito ay aabot sa isang bilyon ang magagastos.

Ayon kay Labor Secretary Sylvestre Bello III ang rehiyon dos ang may pinakamalaking pondo sa TUPAD Program ng DOLE sa buong bansa

Wala pa naman umanong nababalitaan ang tanggapan sa mga isyu tulad ng nangyari sa NCR na paghahati-hati sa mga matatanggap sana ng mga benepisaryo.

Ayon kay Information Officer Trinidad kung sakali mang may ganitong nangyayari ay ipabatid lamang ng mga benepisaryo sa kanilang Facebook Page o sa mga Field Offices ng DOLE na malapit sa kanilang lugar upang makapagsagawa ng imbestigasyon.

Iginiit ng DOLE na ang matatanggap na halaga ng isang benepisaryo ay dapat na kumpleto at hindi dapat hatiin ng kung sino man.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Chester Trinidad.