CAUAYAN CITY – May mga pamilya pa ring nananatili sa isang evacuation center sa CALABARZON matapos na hindi pa rin makauwi dahil lubhang apektado ang kanilang mga tinitirhan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kelvin John Reyes, tagapagsalita ng OCD CALABARZON, sinabi niya na nasa 44 na pamilya na binubuo ng 167 na indibidwal ang nananatili pa rin sa isang evacuation center sa San Mateo Elemetary School.
Aabot naman sa 409 na pamilya ang nananatili sa kanilang kamag-anak o kaibigan.
Naibalik na rin ang linya ng komunikasyon at mga lifelines o kalsada sa CALABARZON habang may mga ilang lugar pang walang kuryente.
Aabot naman sa 5,041 na mga bahay ang nasira ng bagyo na kinabibilangan ng 1,011 na ganap na napinsala at 4,030 na bahagyang nasira na karamihan ay mula sa Quezon.
Ayon pa kay Reyes hanggang ngayon ay wala pa ring pasok sa mga paaralan sa Polilio Island kaya nagpulong ang DEPED kahapon upang makapagpasya kung ano ang maaari nilang gawin.










