CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang magsasaka sa Upper Parai, Kasibu matapos magpaputok ng baril dahilan para maalarma ang mga residente.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, ang pinaghihinalaan ay si Mariano Moliyoc Jr., dalawampu’t anim na taong gulang at residente ng nabanggit na lugar.
Isang concerned citizen ang tumawag sa Kasibu Police Station kaugnay sa pagpapaputok ng baril ng pinaghihinalaan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagtanong umano ang isang Joyce Bulayo sa pinaghihinalaan kaugnay sa status ng kaso na isinampa laban sa kanyang misis.
Nairita umano ang pinaghihinalaan at inilabas sa kanyang sling bag ang Kalibre Kuwarentay singkong baril at nagpaputok ng tatlong beses pataas.
Tumakas si Moliyoc matapos magpaputok ng baril ngunit agad nagsagawa ng Hot Pursuit operation Ang Kasibu Police Station at siya ay nahuli.
Inihahanda na ang kasong kasong alarm and scandal at paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition laban sa pinaghihinalaan na nasa pangangalaga ng pulisya.