--Ads--

CAUAYAN CITY Idineklara ng Drug-free Province ang lalawigan ng Quirino ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.

Tinanggap ni Governor Dakila Carlo Cua ang pagkilala mula sa PDEA sa Capitol Gymnasium sa Cabarroguis, Quirino.

Ayon Regional Director Joel Plaza ng PDEA Region 2, 6 na bayan at nasa 132 na barangay ang kabuuan ng Probinsya ng Quirino ang tuluyan ng naideklarang “drug-free” sa mga nakalipas na mga buwan kaya inakyat na ito sa mas mataas na antas ng pagkilala.

Mahaharap naman ngayon ang lalawigan sa malaking hamon kung paano nito mapapanatili ang pagiging drug free province.

--Ads--

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Cua, nagpasalamat siya sa lahat ng mga tumulong upang makamit ng kanilang lalawigan ang isa sa pinakamalaking parangal sa bansa.

Nagpapasalamat din siya sa mga parangal at pagkilala na naigagawad sa kanilang lalawigan.

Dahil sa pagkakadeklara na bilang Drug-free Province ay pumapangalawa na ang Quirino sa Batanes sa buong bansa.

Matatandaan na noong June, 2017 ay natanggap ng Batanes ang nasabing pagkilala.

Samantala, ayon kay Regional Director Plaza, maraming personalidad ang sangkot sa iligal na droga ang minomonitor pa rin sa Santiago City kaya hanggang sa ngayon ay bigo pa rin ang lalawigan ng Isabela na makuha ang kahalintulad na pagkilala.

Bukod dito ay kulang pa ang kailangang mga dokumento at programa sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan.

Kailangan aniya ang kooperasyon ng mga barangay lalong-lalo na ang Barangay Anti-Drug Abuse Council dahil kung walang kooperasyon ang baranggay ay mahihirapan ang PDEA na magtanggal sa listahan ng mga personalidad na sangkot sa iligal na droga.

Tinig ni Regional Director Joel Plaza ng PDEA Region 2.

Samantala, mayroon na lamang natitirang 92 barangay sa rehiyon ang kailangan pang pagtuunan ng pansin para maideklarang “drug-free” sa mga susunod na araw.

Sa ngayon ay nasa 95% nang “drug-cleared” ang Region 2.