--Ads--

CAUAYAN CITY– Hustisya ang hangad ng pamilya ng nasawing lineman ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 matapos  saksakin ng tatlong beses sa Barangay  Bolinao, Aurora, Isabela

Ang biktima ay  si Rodel Nacionales, 25 anyos, lineman at residente ng Purok 4, Sili, Aurora, Isabela habang ang suspek ay si Ronald Reyes, 32 anyos, may-asawa at residente ng  San Juan,  Aurora, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Aurora Police Station, madaling araw noong Martes nang makatanggap sila ng impormasyon  sa isang concerned citizen hinggil  sa  lalaking sinaksak malapit sa isang lamay sa barangay Bolinao.

Agad  tumugon ang mga pulis  at  nakita nila  ang duguang katawan ng binata na nagtamo ng dalawang saksak sa kanang dibdib at isa sa likod.

--Ads--

Dinala sa ospital si Nacionales ngunit idineklarang  dead on arrival ng attending physician.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad at ilang oras pagkatapos ng pananaksak ay nadakip ang suspek matapos matagpuan ang kanyang tricycle malapit sa kanilang bahay.

Ayon sa ilang nakakita bago ang nangyaring pananaksak ay umawat pa si Nacionales sa naganap na away sa lamay matapos magkaroon ng komosyon ang mga bisita at kaanak ng namatay.

Sasampahan ng  kasong murder ang suspek na si Reyes.