--Ads--

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba bilang bagong Associate Justice ng Korte Suprema.

Ayon sa Malacañang nitong Biyernes, papalitan ni Cordoba si Associate Justice Amy Lazaro-Javier na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 16, 2026.

Samantala, hindi pa inaanunsyo ng Pangulo kung sino ang papalit kay Cordoba bilang pinuno ng COA.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na nakikita ng Pangulo ang kakayahan at potensyal ng mga opisyal kaya inililipat ang mga ito sa ibang posisyon kung saan higit na magagamit ang kanilang galing.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Castro na hindi nangangahulugang nawalan ng tiwala ang Pangulo sa isang opisyal kapag inililipat ito sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa panahon ni Cordoba bilang COA chairperson, nakapagsumite ang ahensya ng hindi bababa sa 50 fraud audit reports sa Office of the Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure.

Ipinatupad din niya ang paggamit ng GPS-based geotagging sa mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan sa buong bansa upang matiyak ang wastong beripikasyon sa estado ng mga ito.

Nagtapos si Cordoba ng Bachelor of Arts in Economics noong 1992 at Juris Doctor noong 1996 sa Ateneo de Manila University. Nakapasa siya sa Bar Examination noong 1997.

Bago pumasok sa serbisyo publiko noong 2001, nagtrabaho siya bilang abogado sa isang pribadong law firm at tax lawyer.

Nagsilbi rin siyang commissioner ng National Telecommunications Commission mula 2009 hanggang 2022 sa ilalim ng apat na administrasyon.

Kabilang sa mga naging hakbang niya sa NTC ang pagpapahintulot sa pagpasok ng Starlink sa bansa upang mapalawak ang satellite internet access, gayundin ang pagpapalakas ng kampanya laban sa text scams at online child sexual abuse materials.