Naglabas ang korte ng extradition warrant of arrest at Hold Departure Order laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Apollo Quiboloy at dalawa nitong co-accused kaugnay ng kahilingan ng United States government na ma-extradite sila sa Amerika.
Kinumpirma ito ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, kasunod ng paghahain ng extradition petition noong Lunes laban kina Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.
May kaugnayan ito sa kinakaharap nilang mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.
Ayon sa DOJ, inilabas ng korte nitong Huwebes, Nobyembre 12, ang arrest warrant matapos matukoy na ang tatlo ang mga indibidwal na nakasaad sa foreign arrest warrant at indictment, at may sapat na batayan upang ituloy ang extradition proceedings.
Kasabay nito, naglabas din ang korte ng Hold Departure Order upang pigilan silang makaalis ng bansa.
Alinsunod sa extradition rules, kapag naabisuhan na ang korte tungkol sa kanilang pagkakaaresto, personal silang seserbisyuhan ng summons kasama ang kopya ng extradition petition.
Bibigyan naman sila ng 15 araw upang magsumite ng kanilang verified answer.
Matatandaang kabilang si Quiboloy sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Kasalukuyan siyang nakadetine sa Pasig City Jail matapos maaresto noong Setyembre 2024 kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking case sa Pasig Regional Trial Court.
Samantala, sinabi ni DOJ spokesperson Atty. Raphael “Polo” Martinez na natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensya laban kay Quiboloy sa naturang qualified trafficking case.
Pormal na nitong ihahain ang mga ebidensya sa korte, bago bigyan ng pagkakataon ang kampo ni Quiboloy na magsumite ng komento.











