CAUAYAN CITY – Nasawi ang mag-asawa matapos mag-agawan ng granada sa Purok 7, Barangay District 3, Gamu, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon no Bombo Radyo Cauayan ang namatay na mag-asawa ay sina Charles Medrano, 40 anyos, magsasaka at Criselda Medrano, 43 anyos at elementary teacher.
Inihayag ni PMajor Rickson Cabauatan, hepe ng Gamu Police Station na agad silang nagtungo sa lugar kaninang umaga matapos nilang matanggap ang tawag ng isang concerned citizen hinggil sa naganap na pagsabog sa bahay ng mag-asawang Medrano.
Nadatnan nila sa lugar na wala nang buhay ang mag-asawa sa loob ng kanilang kuwatro dahil sa malubhang sugat sa kanilang katawan.
Sa panayam pa ng Bombo Radyo Cauayan , inihayag Barangay Kapitan Victor Gamayon ng District 3, Gamu, Isabela na kasalukuyan siyang nasa Liga ng mga Barangay meeting nang itawag sa kanya ng isa niyang Barangay Kagawad ang pangyayari kayat dumiretso na siya sa himpilan ng pulisya na agad na tumugon kasama na ang mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group .
Ayon kay Punong Barangay Gamayon na away ng mag-asawa ang dahilan ng pag-aagawan nila sa granada.
Palagi anyang dumudulog sa barangay at himpilan ng pulisya ang mag-asawa.
Matagal na umanong may alitan ang mag-asawa at sa katunayan ay may isinampang kaso laban sa lalaki.