CAUAYAN CITY – Natagpuang patay ang isang babaeng senior citizen sa loob ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay sa Purok Uno, Pallatao, Naguillian, Isabela.
Ang biktima ay si Lucylyn Ocampo, 63 anyos habang ang suspek ay ang anak na si Alphie Ocampo, 36 anyos, dating security guard sa Laguna.
Batay sa imbestigasyon ng Naguillian Police Station, may nga pasa sa leeg ang biktima at posibleng pinatay sa pananakal gamit ang unan.
Nawawala rin umano ang 100,000 pesos na pera ng ginang na nakalagay sa kanyang bag at nakalaan sa pagpapagawa nila ng bahay.
Dalawang linggo pa lamang ang suspek sa bahay ng kanyang ina.
Ayon sa pulisya, 13 taon na hindi umuwi ang suspek sa Naguillian, Isabela matapos na manirahan at magtrabaho sa Maynila.
Patuloy ang paghahanap ng Naguilian Police Station sa suspek at nanawagan sa publiko na ipabatid sa kanilang himpilan kung alam ang kinaroroonan ni Alphie Ocampo.
Samantalala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay James, apo ng biktima sinabi niya na pasado alas nuebe kagabi nang makauwi siya at nakita ang kanyang lola na nakahiga sa kama sa kanyang kuwarto at inakala na natutulog lamang kaya’t hindi na niya ginising.
Kinaumagahan ay natuklasan ng bata ang sinapit ng kanyang lola kaya’t nagpatulong sa mga kapitbahay at tumawag sila ng mga pulis.