CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lola matapos na mabangga kagabi ng isang utility van sa gilid ng daan sa pambansang lansangan sa barangay Soyung, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station na ang biktima ay si Antonia Ibay, 75 anyos at residente ng Purok 6, Caloocan, Santiago City.
Ang tsuper ng Foton utility van ay si Jonel Daquioag, 43 anyos at residente ng Zone 2, San Mariano, Isabela.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Echague Police station na isang bus na papuntang Santiago city ang nag-overtake sa utility van na gumilid ngunit hindi napansin ang lola na nasa gilid ng daan.
Pumailalim sa van ang lola na nagtamo ng malalang sugat sa katawan na naging sanhi ng kanyag pagkamatay.
Dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay PMaj Natividad, sinabi ng driver na madilim sa lugar at nabigla nang malaman na may nabanggang pedestrian .
Sinabi ng isang witness na ang biktima si Ibay ay ibinaba sa Echague ng isang pampasaherong van.