--Ads--

CAUAYAN CITY – Nabawi ng Legislative District 3 ang kampeonato sa katatapos na Isabela Provincial Athletics Association Meet.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni  Education Program Supervisor at Division Sports Officer Manolo Bagunu ng Schools Division Office o SDO Isabela na ang overall champion ngayong taon ay ang Legislative District 3 na sinundan ng Legislative District 1 at Legislative District 5.

Aniya, nakuha ng Legislative District 1 ang kampeonato noong nakaraang taon at ngayong taon ay nabawi ito ng Legislative District 3.

Halos lahat aniya ng events ay nanguna ang Legislative District 3 partikular sa taekwondo, dance sports at mga individual events.

--Ads--

Nagpapasalamat naman sila dahil natapos ng maayos at ligtas ang apat na araw na Provincial Meet na ginanap sa dalawang venue kabilang ang Isabela Sports Complex at sa Alicia, Isabela.

Samantala, nakatakda naman silang maglabas ng memorandum sa araw ng Lunes kaugnay sa pagkakaroon ng school based training ng mga atleta bilang paghahanda sa Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA 2024 na gaganapin sa huling linggo ng Abril.

Tiniyak naman niya na maibibigay ang kailangang gamit sa kanilang training para mapaghandaan ng mabuti ang 2024 CAVRAA dahil puntirya muli nilang makuha ang kampeonato ngayong taon.