--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang manhunt operation ng Santiago City Police Office sa retiradong police Major na bumaril patay sa isang magsasaka sa Barangay Nabbuan, Santiago City, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Saturnino Soriano, tagapagsalita ng Santiago City Police Office sinabi niya na nag-ugat ang pamamaril dahil sa agawan sa patubig ng biktima at suspek.

Aniya, inaayos ang suspek na si Danilo Buan, isang retiradong pulis ang kaniyang sakahan at posibleng dahil sa pagod at inis dulot ng inagaw na patubig ay nabaril niya ang biktimang si Sonny Julian Sr.

Lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na dati nang may alitan ang suspek at biktima dahil sa pag-aagawan nila ng patubig.

--Ads--

Matatandaan na lulan ng tricycle ang biktima kasama ang dalawang iba pa ng sila ay pagbabarilin ng suspek.

Nasugatan ang isa habang maswerteng nakatakas ang isa pa subalit napuruhan at binawian ang buhay si Julian na nagtamo ng limang tama ng bala ng caliber 38 na baril.