--Ads--

Arestado ang isang pulis na nakaassign bilang radio operator sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) matapos makabaril ng dalawang katao sa isang KTV Bar sa Dupax Del Norte.

Ang suspek ay isang Police Senior Master Sergeant, 44-taong gulang at nasa pangangalaga ngayon ng Dupax del Norte PNP matapos ang pamamaril sa dalawang lalaki sa isang KTV bar sa Brgy. Malasin, Dupax del Norte.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Nova Lyn Aggasid, Public Information Officer ng NVPPO, sinabi niya na isa ang patay matapos barilin ng suspek at isa rin ang nasugatan.

Ayon kay PMaj. Aggasid naunang dumating ang suspek bago ang mga biktima kung saan nakatulog umano ito kaya ginising siya ng may-ari at umalis naman ngunit bumalik at doon na binaril ang mga biktima.

--Ads--

Namatay ang 30-taong gulang na dating SK Chairman ng Mabasa, Dupax del Norte na tinamaan sa kanyang ulo habang nasugatan ang 25-taong gulang na kasama nito matapos tamaan sa tiyan at ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Agad namang umalis ang pulis matapos ang insidente sakay ng kanyang motorsiklo at sa paghahanap sa kanya ng mga pulis, nakitang nakatulog sa isang waiting shed sa Brgy. Bitnong.

Dito na siya inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Limang basyo ng bala ng baril ang narekober ng mga otoridad sa lugar ng insidente.

Agad naman aniyang nagbigay ng instruction ang kanilang Provincial Director sa mga mga chief of police sa lalawigan na iaccount ang kanilang personnel para malaman kung saan ito nakadestino.

Personal din nitong binisita ang pulis at ayon sa kanya dala lamang ng kalasingan kaya nagawa niya ang pamamaril at hindi na nito maalala kung paano o anong dahilan kung bakit niya nagawa ang nasabing krimen.

Sasampahan naman ng kasong kriminal at administratibo ang nasabing pulis na nasa pangangalaga ngayon ng Dupax del Norte PNP.