Pinalagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakababahalang mga pahayag na narinig ng sambayanang Filipino mula kay Vice-President Sara Duterte nitong mga nakaraang araw.
Sa naging mensahe ng Pangulo, sinabi nito na nakababahala ang mga pahayag na binitiwan ni VP Sara ,nandiyan aniya ang walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilang kilala opisyal ng gobyerno at personalidad.
Kaya nga, bilang isang demokratikong bansa, kailangan na itaguyod ang tuntunin ng batas.
Kaya hindi aniya tama ang pagpigil ng mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan.
Hindi na sana aniya pa rin hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lamang ang mga lehitimong katanungan sa Senado at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Dahil dito, hangad ng Pangulo na matuldukan na ang mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa lahat sa katotohanan.
Sinabi pa rin niya na sa loob ng 12 taon na kanyang panunungkulan sa magkaparehong kamara ng Kongreso. Batid aniya niya ang kapangyarihang iginawad sa kanila ng taumbayan at ng Konstitusyon.
Bilang isang bansa aniya ay maraming mga paghamon na dapat harapin at mga suliraning dapat bigyan ng lunas.
Sa kabila ng mga pambabatikos, nakatuon ang pansin ng Pangulo sa pamamahala. Ngunit tinitiyak aniya niya na hindi niya iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan aniyang manaig ang batas sa anumang situwasyon at sinuman ang tamaan.