Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na pag-aari niya ang loteng ipinakita ng National Bureau of Investigation (NBI) at iniugnay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Sa isang pahayag, kinuwestiyon ni Duterte ang paggamit umano ng NBI sa pondo ng bayan para sa mga operasyong aniya’y walang malinaw na pakinabang sa publiko.
Iginiit din ng bise presidente na ang umano’y panlilinlang sa publiko ang dahilan kung bakit inalis ang NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings.
Iniugnay niya ito sa mga alegasyong naglahad ang ahensya ng mga kuwestiyonableng ebidensiya, gaya umano ng Gracioso affidavit.
Binigyang-diin ni Duterte na dapat tiyaking naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan, at nagsisilbi sa interes ng publiko ang bawat hakbang ng mga ahensiyang pinopondohan ng taumbayan.











