Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV na tumanggap umano siya at ang kanyang asawang si Manases Carpio ng daan-daang milyong piso mula sa China sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon.
Ayon kay Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., matagal nang paulit-ulit na ibinabato ni Trillanes ang umano’y walang basehang alegasyon laban sa pamilya Duterte, kabilang ang kwestyonableng yaman, korapsyon at umano’y koneksyon sa China.
Nauna rito, sinabi ni Trillanes na tumanggap umano si Duterte ng P150 milyon mula sa Chinese Embassy sa pamamagitan ng kanyang foundation, habang nakatanggap naman umano si Carpio ng P319 milyon sa pamamagitan ng isang korporasyon.
Kinuwestyon din ni Panelo ang desisyon ni Trillanes na hindi na tumestigo sa impeachment trial ni Duterte at sa halip ay nagsagawa ng press conference upang ilabas ang kanyang mga alegasyon.
Itinanggi rin ng kampo ni Duterte ang alegasyon ni Trillanes na hindi nito idineklara sa kanyang SALN ang ilang milyong pisong time deposits at life insurance noong nagsilbi siyang vice mayor ng Davao City.
Samantala, inalis si Trillanes bilang testigo ng prosekusyon sa impeachment trial matapos niyang hilinging bawiin ang kanyang pagtestigo.











