CAUAYAN CITY-Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang aksidente na kinasasangkutan ng isang Wing Van at Pick-up Truck Brgy. Balete, Diadi Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan kung saan patungong Hilagang Direksyon ang Wing Van habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang Pick-up.
Nang makarating ang wing van sa pababang bahagi ng kalsada ay nadulas umano ito at pumalya ang kaniyang preno dahilan upang tumagilid ito at madaganan ang kasalubong nitong pick-up truck.
Maswerte namang walang nasaktan sa naturang insidente dahil ang cargo bed lamang ng pick up ang nadaganan.
Naialis naman na sa gitna ng kalsada ang mga sangkot na sasakyan ngunit nararanasan pa rin ang matinding trapiko sa lugar na mayroong isang oras na interval dahil sa isinasagawang road construction doon.
Sa ngayon ay inaantay na lamang sa ngayon ang pag-uusap ng dalawang panig.
Samantala, simula December 16 ay magde-deploy na ang Nueva Vizcaya police Provincial Office ng mga Personnel sa mga strategic areas upang mapanatili ang kapayapaan sa holiday season.
Babantayan din aniya ang kanilang hanay ang mga firecracker zone areas katuwang ang Local Government Units at Bureau of Fire Protection para matiyak na walang maitalang casualties dahil sa paputok.