Nanawagan sa publiko ang isang ina dahil sa nawawala nitong anak at pamangkin.
Ang nawawala ay si Cathlyn Jane Pascua, labing limang taong gulang at pinsan niyang si Marianne Joy Dela Cruz, labimpitong taong gulang at pawang residente ng Paddad Alicia Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Catherine Pascua, ina ng nawawalang dalagita sinabi niya na ngayon lamang nangyari na hindi umuwi sa kanilang bahay ang kanyang anak.
Ala-una ng hapon ng ikalabimpito ng Disyembre nang nagpaalam ang dalagita na mamamalengke lamang at sakay ng motorsiklo na umalis.
Pagsapit ng alas kwatro ng gabi ay wala pa rin ito kaya nagtungo na sila sa himpilan ng pulisya para iulat ang pagkawala nito.
Kinabukasan ay nagtungo rin sila sa Paddad Alicia National High School para makipag-ugnayan sa adviser ng kanyang anak para malaman kung alam ng mga ito kung nasaan ang kanyang anak ngunit wala ring alam ang mga ito lalo na at examination nila kahapon.
Wala naman aniya silang tampuhan ng kanyang anak kaya hindi niya malaman ang dahilan kung bakit hindi na ito umuwi sa kanilang bahay.
Nanawagan si Ginang Pascua sa mga kumukupkop sa kanyang anak na makipag-ugnayan sa kanila para makauwi na ang kanyang anak at pamangkin dahil labis na ang kanilang pag-aalala.