--Ads--

Umiiyak na umuwi ang dalawang bata sa Brgy. Faustino, Cauayan City dahil inakala nilang tangka silang dukutin ng dalawang lalaki na nakasakay sa tricycle na nagtitinda ng bente bente.

Ito ang pahayag ng kanilang mga kaanak nang personal na puntahan ng Bombo Radyo Cauayan ang kinaroroonan ng mga ito.

Ayon sa mga magulang, putik putik at umuwing umiiyak ang kanilang mga anak dahil sa muntikan na umano silang madukot.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mark Campos, Grade 6 student at isa sa mga batang muntikan umanong dukutin, sinabi niya na naglalakad lamang sila pauwi ng kanilang bahay nang tumigil sa kanilang harapan ang isang tricycle na lulan ang dalawang lalaki o mga vendors ng bente benteng produkto.

--Ads--

Bagaman sinabi umano nila na wala silang pera na pambili ay bumaba ang isa sa mga nakasakay rito na may bitbit na sako at nagdulot ng takot sa dalawang bata.

Tumakbo umano sila sa gitna ng bukid dahil sa sobrang takot at pahayag pa ng mga bata, tinangka pa silang habulin ng isa sa mga lalaki.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Joey Collado ng Brgy. Faustino, sinabi niya na nakatanggap din siya ng ulat hinggil sa naipost sa social media na umano’y muntikang pagkakadukot sa dalawang bata.

Dahil dito ay agad niyang pinuntahan ang mga bata at nagsagawa ng paunang pagsisiyasat at dito na rin siya kumontak sa ibang barangay na may mga residenteng nagtitinda ng mga kagamitan.

Natunton naman ang kinaroroonan nang sinasabing dalawang indibidwal na sinasabing tangkang dumukot sa dalawang bata.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa dalawang vendor pinabulaanan nila ang paratang sa kanila sa tangkang pagdukot sa dalawang bata sa nasabing barangay.

Ayon kay Ryan Ramos, ang driver ng bente bente tricycle, magtatanong lang sana umano sila sa mga bata subalit agad naman na silang tumakbo palayo.

Itinanggi rin ng mga ito na may bitbit silang sako at hindi umano nila hinabol ang dalawang bata.

Nanawagan naman siya sa nagpost nito sa social media na huwag agad maglabas ng impormasyon na hindi beripikado dahil nais lamang naman umano nilang kumita para sa kanilang pamilya.

Malaki aniya ang epekto nito sa kanilang paghahanap buhay lalo na sa kanilang mga bente-bente vendors dahil maaring maapektuhan ang kanilang kita sa idinulot na takot nito sa publiko.