Sugatan ang isang 18-anyos na babae matapos mahulog mula sa sinasakyang Ferris wheel sa kasagsagan ng kapistahan sa bayan ng Lal-lo, Cagayan kagabi noong gabi ng Agosto 3, 2025.
Kinilala ng Lal-lo Police Station ang biktima na si Precy at residente ng Brgy. Catugan, Lal-lo, Cagayan.
Ayon kay PLT Gerardo Conde, Deputy Chief of Police ng Lal-lo Police Station, lumalabas na nagsisimula pa lamang noon ang operasyon ng Ferris wheel at pinapasakay pa lamang ang mga pasahero.
Isa si Precy sa mga unang sumakay at nang umabot ang kinauupuan niya sa humigit-kumulang 10 talampakang taas ay bigla umano itong dumungaw, nahilo, at tuluyang nahulog.
Gayunman, sa panig ng pamilya ng biktima sinabi ng pinsan ni Precy na si Melisa Laory na hindi dumungaw ang dalaga.
Ayon pa kay Melissa bigla raw umikot ang Ferris wheel at natanggal ang lock ng arm bar.
Bukod dito wala rin umanong seatbelt ang mga upuan kaya madaling nahulog si Precy mula sa kanyang kinauupuan.
Agad na ipinahinto ng mga awtoridad ang operasyon ng Ferris wheel matapos ang insidente.
Sa kasalukuyan nasa isang pribadong ospital ang biktima kung saan inaalam pa ang resulta ng CT-Scan upang matukoy ang lawak ng tinamong pinsala.
Ayon sa pamilya, nasa stable condition na si Precy habang patuloy ang gamutan.
Samantala tiniyak naman ng mga awtoridad na masusing iniimbestigahan ang insidente at pinatitigil muna ang operasyon ng mga karnabal rides sa lugar bilang bahagi ng pag-iingat.





