--Ads--

Pansamantalang itinigil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapatupad ng mandatoryong pagpapakita ng registration seal badge sa mga website, social media business page at iba pang digital platform.

Ayon sa Revenue Memorandum Circular No. 113-2026, mananatiling suspendido ang naturang requirement hanggang sa maglabas ng panibagong abiso ang ahensya. Layunin nitong matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga hakbang para sa beripikasyon ng rehistrasyon.

Nilinaw ng BIR na maaari pa ring kusang ipakita ng mga taxpayer na mayroon nang registration seal badge ang kanilang badge sa mga online platform.

Wala ring magiging parusa sa mga hindi magpapakita nito habang umiiral ang suspensyon.

--Ads--

Matatandaang sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 038-2026, inatasan ang mga taxpayer na may online business na ilagay ang BIR-issued registration seal sa kanilang mga website, e-commerce page at social media business account bilang patunay ng kanilang rehistrasyon.

Kabilang sa mga saklaw ng kautusan ang online sellers, freelancers, professionals, vloggers, influencers at iba pang indibidwal na kumikita gamit ang mga digital platform.

Paliwanag ng BIR, nilikha ang registration seal badge upang mas mapadali ang pagtiyak sa rehistrasyon ng mga negosyante at service provider sa digital economy, nang hindi isinasapanganib ang kanilang personal na impormasyon.

Sa pamamagitan ng pag-scan sa badge, maaaring beripikahin ng mga customer o kliyente kung rehistrado sa BIR ang isang online seller, service provider o content creator.