Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Lunes na namonitor nito ang pagdaan ng isang Chinese aircraft carrier group sa Basilan Strait, sa katubigang sakop ng Zamboanga del Norte at Sarangani.
Batay sa ulat ng AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom), namataan ang People’s Liberation Army Navy Liaoning Carrier Group noong Oktubre 22 habang naglalayag sa kanilang area of responsibility.
Una itong nakita sa Talulu Point sa Siocon, Zamboanga del Norte bago natunton sa Maitum, Sarangani habang patungo sa Celebes Sea.
Binubuo ang Chinese carrier group ng aircraft carrier na Liaoning at tatlong destroyer na Huainan, Wuxi, at Anshan. Nakuhanan din ng video ng isang concerned citizen ang pagdaan ng aircraft carrier at ibinahagi ito sa social media.
Bilang tugon, nag-deploy ang Philippine Navy ng guided missile frigate na BRP Diego Silang at patrol vessel na BRP Jacinto upang subaybayan ang galaw ng mga barkong Tsino sa Basilan Strait.
Ayon sa WestMinCom, tinangka ng mga barko ng Philippine Navy na makipag-ugnayan sa pamamagitan ng radio challenge, ngunit hindi tumugon ang mga Chinese vessel. Pagsapit ng alas-6 ng gabi, namonitor ang carrier group sa karagatan malapit sa Kalamansig, Sultan Kudarat.
Nakibahagi rin sa pagbabantay ang BRP Sarangani ng Philippine Coast Guard habang nagpapatuloy ang paglalayag ng Chinese carrier group patungong Celebes Sea hanggang sa tuluyan itong lumabas sa hurisdiksyon ng WestMinCom.
Nagbigay naman ng suporta ang Philippine Air Force sa pamamagitan ng aerial surveillance at reconnaissance missions gamit ang Black Hawk helicopter at NC-212 aircraft.











