--Ads--

Isang mag-aaral sa Grade 3 na si Jonard ng Maria Cristina Falls Elementary School sa Iligan City ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang nasa ospital matapos bugbugin ng limang high school students.


Ayon sa mga ulat, habang kumakain ng pananghalian ang bata, bigla siyang pinagtulungan ng grupo ng mga high school students.

Sa salaysay ng mga nakasaksi, sinuntok umano sa ulo ang bata ng mga high school students na hindi pa pinapangalanan, dahilan upang tumaas ang kanyang lagnat at lumala ang kondisyon.


Dahil sa grabeng natamong pinsala, agad siyang isinugod sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City kung saan siya ngayon ay nasa Intensive Care Unit (ICU).

--Ads--


Ang pamilya ni Jonard ay nananawagan ng hustisya at panawagan rin ng tulong-pinansyal para sa pang-araw-araw nilang gastusin habang nagpapagaling si Jonard sa ospital.


Nauna ng kinondena ni Iligan City Mayor Frederick Siao ang insidente at tiniyak na hindi niya ito palalampasin. Nakipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad at sa Department of Education para sa imbestigasyon at pagtukoy sa mga sangkot sa estudyante.


Nagpaabot din si Mayor Siao ng pinansyal na tulong sa pamilya ng biktima para sa gastusin sa ospital. Nanawagan din siya sa mga paaralan at magulang na paigtingin ang pagbabantay sa mga estudyante.


Umaasa ang pamahalaang lungsod na mabibigyan ng hustisya ang bata at matutugunan ang mga sanhi ng ganitong pangyayari.