--Ads--

Iginiit ng dalawang residente ng District 3, Cauayan City na hindi sila uurong sa isinampa nilang kaso laban sa isang barangay kagawad na nasuspinde na ng 60 araw, matapos umanong makaranas ng pananakit at pagmamaltrato mula rito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan,sa mga biktima na sina Rodante Marcos at Crisanto Gammad, sinabi ng isa sa mga complainant na magpapatuloy sila sa pagdulog sa korte upang mapanagot ang naturang opisyal.

Ayon Crisanto Gammad , nagsimula ang insidente noong Pebrero 2026 matapos umano siyang magpaputok ng kwitis. Aniya, matapos ireklamo ng isang kapitbahay, bigla na lamang umanong pumasok sa kanilang bahay ang mga barangay official, kinuha siya habang nagpapahinga at dinala sa barangay hall.

Doon, sinabi niyang pinaupo siya at paulit-ulit na pinalo ng kawayan. Bukod dito, iginiit niyang pinilit din umano siyang painumin ng isang tableta na hindi ipinaliwanag kung ano ang laman. Ayon pa sa complainant, sinabi umano sa kanya na papatayin siya kapag tumanggi siyang inumin ang gamot bago siya dinala sa himpilan ng pulisya.

--Ads--

Samantala, inihayag ni Rodante Marcos,isa pang complainant na kinuha rin siya ng mga barangay tanod at dinala sa barangay hall kung saan umano siya sinigawan, sinampal, sinipa at paulit-ulit na pinalo ng isang kahoy na paddle.

Bagama’t naipataw na ang 60 araw na suspensyon sa barangay kagawad, sinabi ng mga complainant na nakabalik na umano ito sa panunungkulan matapos ang suspensyon. Ayon pa sa kanila, hindi umano ito dumadalo sa ilang pagdinig dahil sinasabing nakararanas ng depresyon, ngunit wala umanong naipapakitang medical certificate na hinihingi ng konseho.

Sa kabila nito, sinabi ng mga complainant na hahayaan na nila ang konseho na magpasya sa usaping administratibo, ngunit tiniyak nilang itutuloy nila ang kasong kriminal upang mapanagot ang barangay kagawad sa mga umano’y ginawa nito.

Nanawagan din sila na huwag nang maulit ang umano’y pang-aabuso sa ibang residente, habang iginiit naman ng isa pa na mahalagang sumailalim sa regular na drug testing ang mga halal na opisyal upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

Sa ngayon patuloy na sinisikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang nasabing Kagawad.